Sabi ni Milly, "Wag ka munang umuwi maglalaro pa tayo". Takip silim na noon, laking takot ko sa nanay ko, kailangan makauwi na ako, kung hindi kukurutin ako sa singit ng pinong-pino, yun bang pagkakurot sa iyo iikutin pa ang daliri at itaas... mas gusto ko pang abutin ng palo kesa makurot sa totoo lang.
"Teka, titingnan ko lang kung nandiyan na nanay ko kasi pumunta sa patay". Takbo na akong sinilip ang dyip pamasada ng tatay, magkasama silang umalis eh. Hay salamat, wala pa.
"Wala pa Milly, ayoko na ng luksong lubid, sumasakit na pusod ko eh". Kasi, nung baby pa lang ako, hinika ako, at sa sobrang kauubo, nagkaron ako ng luslos sa pusod. Hindi ako puedeng magpagod ng husto noon, kung hindi sumasakit at naninigas ang pusod ko.
"Sige, hoy sinong sasali sa taguan-pung?" Ang daming naglapitan, sina Aying, Doyi, at ang dalawang Boy ang pangalan. Ewan ko nga ba at ang daming bata dun sa amin ang mga pangalan eh Boy, Baby, Nene wala na ba silang maisip na palayaw?
"O sige, jack and poy na".
Yan taya si Milly.
"Isa, dalawa, magtago na kayo at hahanapin ko, tatlo, apat, walang uuwi ng bahay!, lima, anim... ..... ..... ..... ..... .... Sampu".
Duon ako nagtago sa likod ng puno ng niyog, na halos nakadikit na sa pader na itinayo sa gilid ng bahay ni Aling Erme.
Ang dilim, ang dami ko ng narinig na dumaan pero wala pa ring nakakakita sa akin. Teka iikot ako... Tsup... Ayyy ano iyon??? meron akong naramdaman na dumikit sa pisngi ko... ano ba iyon? nguso? Ang lagkit! Ayyyy, sabay tulak sa kung sino yung humalik sa akin... sabay pero hawak pa rin ako sa kamay... bitiwan mo ko! sabay sipa.. yun nakaalpas ako, sabay takbo sa bahay namin.
Me nakakita kaya? hawak-hawak ko ang pisngi ko... 'langyang Boy na iyan!
No comments:
Post a Comment