Sunday, November 30, 2008

Tahimik ang Gabi

humapon na ang mga ibon,
ang araw ay matagal ng lumubog
malamlam ang kutitap ng mga bituin
unti-unting nababasa ng hamog ang mga dahon

madalang ultimo ang paghinga
na nanggagaling sa sariling dibdib
katahimikan…

ilang gabi na lang ng katahimikan ang mararanasan
ilang pagtulog na lang ang tutumbasan ng pag gising

liwanag sa langit..
araw ng buhay..
gisingin mo ang mga nakahimlay

Saturday, November 29, 2008

Salita

ang mga bawa't kataga..
ang mga bawa't titik..
parang may mga kamay na magkakahawak
kumakaway-kaway, kumukumpay-kumpay...

walang mga mukha,
walang mga kulay
payak na mga linya na
umiikot-ikot, lumiliko-liko..

walang bibig, ngunit nagsusumigaw
bakit dulot mo
salok ng mga galak, halakhak,
magminsa'y mga lungkot, luha

tahimik... gusto kong magisip...

Tuesday, November 25, 2008

Tama na...

ang ingay sa kabilang ibayo, naririnig
ang mga bawa't sitsit, umaabot
kahit sa pagitan ng sanlibong ilog

"heto ang bangka abutin mo
lakbayin mo ang daang tuwid
isang sagwan lang narito ka na"

ipagpatawad, bangka'y itinulak
pipiliing humayo sa gubat, hanap
katahimikan sa lilim ng mga luklak

Wednesday, November 19, 2008

Isang Mahabang Usapan

Ang dami dami nating napagusapan, umikot sa iba't-ibang bagay, nguni't ang bawa't salita, diwang pinagusapan ay magkakatugma, magkakarelasyon.

Umusad ang tinakbo ng pinagusapan dahil mismo sa magkakaugnay ang bawa't aspeto ng buhay.

Lumabas din ang mga maliliit na bagay na dati ay ni hindi ko pinagtutuunan ng pansin. At kailangang aminin ko na nahihiya ako sa kapayakan, sa walang katuturan ng mga ito... parang masamang hangin na ikinasasakit ng tiyan na kailangang ilabas, pero hindi sa presenya ng ibang tao! Ipagpaumanhin po.

Ah isang buntung-hininga... na ang nasa isip ay nakita mo na ang halos lahat ng aspeto ko sa buhay, kasama na ang bawat kahinaan ko.

Monday, November 17, 2008

Without warning by Sappho


Without warning
as a whirlwind
swoops on an oak
Love shakes my heart

Wednesday, November 12, 2008

Pira-pirasong Bahagi ng Buhay... Nakaw na halik


Sabi ni Milly, "Wag ka munang umuwi maglalaro pa tayo". Takip silim na noon, laking takot ko sa nanay ko, kailangan makauwi na ako, kung hindi kukurutin ako sa singit ng pinong-pino, yun bang pagkakurot sa iyo iikutin pa ang daliri at itaas... mas gusto ko pang abutin ng palo kesa makurot sa totoo lang.

"Teka, titingnan ko lang kung nandiyan na nanay ko kasi pumunta sa patay". Takbo na akong sinilip ang dyip pamasada ng tatay, magkasama silang umalis eh. Hay salamat, wala pa.

"Wala pa Milly, ayoko na ng luksong lubid, sumasakit na pusod ko eh". Kasi, nung baby pa lang ako, hinika ako, at sa sobrang kauubo, nagkaron ako ng luslos sa pusod. Hindi ako puedeng magpagod ng husto noon, kung hindi sumasakit at naninigas ang pusod ko.

"Sige, hoy sinong sasali sa taguan-pung?" Ang daming naglapitan, sina Aying, Doyi, at ang dalawang Boy ang pangalan. Ewan ko nga ba at ang daming bata dun sa amin ang mga pangalan eh Boy, Baby, Nene wala na ba silang maisip na palayaw?

"O sige, jack and poy na".

Yan taya si Milly.

"Isa, dalawa, magtago na kayo at hahanapin ko, tatlo, apat, walang uuwi ng bahay!, lima, anim... ..... ..... ..... ..... .... Sampu".

Duon ako nagtago sa likod ng puno ng niyog, na halos nakadikit na sa pader na itinayo sa gilid ng bahay ni Aling Erme.

Ang dilim, ang dami ko ng narinig na dumaan pero wala pa ring nakakakita sa akin. Teka iikot ako... Tsup... Ayyy ano iyon??? meron akong naramdaman na dumikit sa pisngi ko... ano ba iyon? nguso? Ang lagkit! Ayyyy, sabay tulak sa kung sino yung humalik sa akin... sabay pero hawak pa rin ako sa kamay... bitiwan mo ko! sabay sipa.. yun nakaalpas ako, sabay takbo sa bahay namin.

Me nakakita kaya? hawak-hawak ko ang pisngi ko... 'langyang Boy na iyan!

Tuesday, November 11, 2008

Baket?

Ang dami-daming social networking tulad nitong pinagsusulatan ko nito. Eh bakit nga ba? kasi sa sobrang kaabalahan ng mga tao, di na halos magkita... so habang nagluluto, nagcha-chat, habang nagtitiklop ng damit, nagblo-blog, pati sa paglilibang, habang nanoood ng tv, nag po-post ng comments kung saan-saan, mapwera na lang kung ang pinanood eh may sub-titles...

Ako, naglalaan talaga ng oras, gumigising sa madaling araw tulad nito... kasi, kahit pano, gusto mong mapunan ang espasyong laging kulang, oo alam kong laging kulang iyan at di mapupuno... pero... kaligayahan na...

ang masaklap... ito na nga lang ang parang tulay sa malayo na gusto mong maabot... parang namimiligro pa na mawalan ng silbi ang mga ito...

Eh Baket? Kasi eh...

makatulog na nga lang ulit!