Monday, September 22, 2008

Pira-pirasong Bahagi ng Buhay... Tulya at Hipon

Katulad ng Nanay, hinika rin ako nung bata pa ako. Natatandaan ko na tuwing inuubo ako sumasakit ang tiyan ko, tumitigas ang pusod ko, at naiiyak ako sa matinding sakit. Ang gagawin ng Nanay, kukuha ng mahabang piraso ng katsa at itatali sa beywang ko, habang nakamasid ang Tatay sa isang tabi.

“Tulog na, pupunta tayo ng maaga sa ilog”

Maagang gumising ang lahat sa bahay namin, bawal ang abutan ng pag sikat ng araw. Heto na ang Tatay me dalang dyaryo at pandesal. Hawak na ako sa kamay at maglalakad kami papuntang ilog… natatandaan ko na tuwang-tuwa ako pag pupunta ng ilog, sarap kasi ng mainit na pandesal… kadalasan kanin ang almusal sa bahay at yung tirang ulam sa gabing nagdaan… kung meron, kung wala, pritong tuyo o ginisang sardinas.

Gustong-gusto kong naglalakad papunta ng ilog.. kahit mabato.. ang gaganda ng kulay ng mga bato noon, meron pang kumikinang-kinang pag tinatamaan ng sikat ng araw. Natatandaan ko kung bakit napansin ko pa ang kulay, kasi inuutusan ako ng Tatay na maghanap ng panghilod. Ang dami dami kong pinili na hindi pumasa sa pagiging ‘panghilod’.

“Huwag iyan, makinis iyan, hindi matatanggal ang libag mo diyan”.
“Masyado namang malaki iyan, yung kaya mo lang hawakan ng isang kamay”.
“Yung medyo malapad”.
“Sobrang gaspang naman niyan, tanggal pati balat mo diyan”.
“O sige, puede na iyan”.

Pababa ang tinatalunton naming daan papunta sa ilog… nauuna na ako sa Tatay at patakbo akong pupunta sa ilog…

“Tinamanang…. ‘wag kang tumakbo at baka madapa ka!”

Para akong walang nadinig non… eh di naman yan namamalo kaya sige lang ang takbo. Di ko na kasi mahintay na makita ang mga nasa ilog…

Ang linaw ng tubig, kitang-kita mo ang mabatong ilalim… tulya, hipon, mga isdang pasikot sikot sa mga bato, tuwang-tuwa ako.

Tay, mangunguha ako ng tulya ha?”
“O sige, yung malalaki lang hane.”

At habang nagbabasa ng dyaryo ang tatay sa loob ng bangkang nakatali sa gilid ng ilog, nanunulya naman ako… tuwang-tuwa ako sa pagmamasid sa pagsara at pagbukas ng mga tulya… sarap nito sa sawsawang suka at bawang. Ang mga paglundag-lundag ng hipon na parang salamin, di ko halos makita sa tubig… kailangang ilapit pa ang mga mata. Hindi ako makahuli ng hipon, hindi ko natandaan na nakahuli ako kahit isa, pati isda ang bibilis, buti pa ang tulya di umaalis sa kinalalagyan. Hindi kaya sila naiinip? Naghihintay na lang ng me dadampot, ayokong maging tulya, gusto ko tulad ng hipon, mabilis lumukso, puedeng pumunta kahit saan, walang huhuli dahil matutusok sila ng ngusong matulis.

“O halika na at mainit na.”
“Oho.”
"Tay o, daming tulya niyan."

Takbo na ulit ako pauwi, nakalimutan na ang ubong di nagpatulog ng gabing nagdaan.

.


No comments: