.
Doon sa Marikina, sa barrio ng Malanday, merong isang pamilya na panatiko ng Santacruzan. Sila rin ang may ari ng nagiisang parlor doon sa amin. Laging mahaba ang pila dun pag magpapa-ayos ka ng buhok, natatandaan ko kung gaano ako inip na inip sa paghihintay at inis na inis rin dahil sa ang kati-kati at ang sakit-sakit ng mahigpit na pagkakaikot ng pangkulot sa buhok ko. Buti na lang maraming komiks na mababasa doon.
Si Aling Uding, ang kapatid ni Aling Mameng na may ari ng parlor, ang siyang hermana mayor ng mga santacruzan. Maganda si Aling Uding, teacher siya sa kabilang baryo, may idad na siya ng ikasal sa isang biyudo na may dalawang anak na babae. Nagkaroon din sila ng isang anak na lalaki. Natatandaan ko na nagpa santacruzan sila na ang mga sagala ay mga batang lalaki na inayusan at dinamitan na parang mga babae. Kasali nga doon yung pamangkin ko na ipinagpagawa pa ng nanay ko ng damit gamit ang sobrang tela ng kurtinang berde namin. Ako ang nagtiyagang naglagay ng mga makikintab na sikwens doon, ang daming beses na natusok ako ng karayom.
Minsan nagpunta sa amin si Aling Uding, nagtataka ako dahil pumasok pa sa loob ng bahay namin at hinanap ang nanay. Dati-rati kasi nasa may tarangkahan siya nakikipagusap sa nanay ko eh.
"O naligaw ka?" sabi ng nanay.
"Eh meron sana akong hihilingin sa iyo, Aling Lileng" sabi naman ni Aling Uding.
Alam ko na ang susunod doon, ang lingon ng nanay, kaya sinabayan ko ng walis, kunyari ay di ako nakikinig. Puede ba iyon ay ang lalakas ng boses ng mga taga Marikina pag naguusap.
Ang sabi ni Aling Uding kung puede daw na iakyat sa bahay ang santo para sa santacruzan, at siyang magiging pangatlong hermana mayor ang nanay ko sa isang dosenang iba pang hermana mayor para sa taon na iyon.
Sabi ni Aling Uding, "...at ang gagawin nating Reyna Elena ay si Josie ninyo."
Dinig na dinig ko ang sagot ng nanay ko dahil nandoon lang ako sa tabi eh... sabi..
"Ano? iyang pangit ng anak kong iyan? gagawin nyong reyna elena? aba eh kung kailangan nyo lang ho ng tulong na pinansyal eh aabutan ko na lang ho kayo, pero alam kong hindi maganda ang anak ko para gawing reyna elena, marunong naman ho kaming mahiya".
Hindi ko na narinig kung ano ang pinagkasunduan nila.. pero ang alam ko, di na ako makakapagsuot ng pangarap kong mahaba at magarang damit. Oo, tama, iyon lang ang iniyakan ko....
.