Tuesday, July 6, 2010

Tuloy pa rin

tuloy pa rin

masalimuot na daan ng pamumuhay
tahak dawag na hinaharap sa paghahanapbuhay
hinahagilap lakas sa bawa't pag gising
inaabot mataas na talas ng pag iisip
nakikibaka sa lahat ng gawain at
nakikitungo sa mandi'y mga asong
nag-aagawan sa iisang buto

buhat iba pang tungkuling nakaatang sa balikat
sali-salikop tatlong buhay na iniluwal
pusod na waring walang pagkaputol, gupit, hila, gupit
naririnig mga salitang alingawngaw ng sariling bibig
sinasalamin mga pira pirasong bahagi ng kinagisnan
laging hindi sapat, laging kulang

sa pag-iisa...
muli't muli'y sumasalok ng lakas
na galing sa bukal ng pag-ibig
ang pangakong buhay sa bawa't bukas
tuloy pa rin...

Paano?

Paano?

paano kung lumipas ang liwanag?
hindi ang dilim, kundi ang paninimdim

paano kung magdilim ang langit?
hindi ang ulap, kundi ang eklipse

paano kung maglaho ang mga bituin?
hindi kawalang ningning, kundi ang pagpanaw ng tanglaw

salamat sa handog na paningin
gumigising ang araw
panghahawakan sa panaginip man o sa katotohanan

Sayaw ng Diwa

Kumpas ng mga kamay,
dala’y mga taon ng hikahos
Kibit ng mga balikat, hutok sa bigat ng pagsunod
Kibot ng mga labi, pinatahimik ng mga utos
Kurap ng mga mata, mulat sa gulo ng paligid
Indayog ng baywang, pigil na lisya ayon sa aral
Indak ng mga paa, pagal sa pagpaparoo’t parito
Sumayaw ang diwa

Kumpas ng mga kamay, tawag ng akit
Kibit ng mga balikat, waksi ang ligalig
Kibot ng mga labi, anyaya ng mga halik
Kurap ng mga mata, makulay na tingin
Indayog ng baywang, alpas ng nais
Indak ng mga paa, papunta sa lakbayin
Sa walang hanggang sayaw ng diwa.

Malabo

Malabo

katas ng isipan ay hindi kayang salain
timbangin man ay hindi husto
sukatin man ay hindi sapat
walang linaw na mga salita
walang kasiguruhang tama
ang ako ay hindi ako
ano ang pagkukuruan?
ano ang paniniwalaan?
pakinggan hindi ang mga salita
suriin hindi ang isipan
damhin ang katotohanan
sa bulong ng nararamdaman,
ang may dala ng nagiisang katotohanan
ang puso ng pagmamahal...