Monday, March 7, 2011

Kuliglig

narinig na naman kitang muli
malamyong huni ng kuliglig
saan ka dinala ng tag-araw?
saan ka ipinadpad ng iyong uhaw?

naghihintay ka na naman sigurong muli
ng mga mahahalagang patak
na siyang titighaw sa namimitak na lupa
na siyang bubuhay sa mga tigang na dahon

at ikaw'y muling aawit
muling iindak, magpapalipat lipat
tatahak sa iba't ibang dahon
tatawag ng kaniig

at aking muling maririnig
malamyos mong huni
malamyos niyang huni
malamyos ninyong mga huni
sa aking pagdirimdim

Tuesday, July 6, 2010

Tuloy pa rin

tuloy pa rin

masalimuot na daan ng pamumuhay
tahak dawag na hinaharap sa paghahanapbuhay
hinahagilap lakas sa bawa't pag gising
inaabot mataas na talas ng pag iisip
nakikibaka sa lahat ng gawain at
nakikitungo sa mandi'y mga asong
nag-aagawan sa iisang buto

buhat iba pang tungkuling nakaatang sa balikat
sali-salikop tatlong buhay na iniluwal
pusod na waring walang pagkaputol, gupit, hila, gupit
naririnig mga salitang alingawngaw ng sariling bibig
sinasalamin mga pira pirasong bahagi ng kinagisnan
laging hindi sapat, laging kulang

sa pag-iisa...
muli't muli'y sumasalok ng lakas
na galing sa bukal ng pag-ibig
ang pangakong buhay sa bawa't bukas
tuloy pa rin...

Paano?

Paano?

paano kung lumipas ang liwanag?
hindi ang dilim, kundi ang paninimdim

paano kung magdilim ang langit?
hindi ang ulap, kundi ang eklipse

paano kung maglaho ang mga bituin?
hindi kawalang ningning, kundi ang pagpanaw ng tanglaw

salamat sa handog na paningin
gumigising ang araw
panghahawakan sa panaginip man o sa katotohanan

Sayaw ng Diwa

Kumpas ng mga kamay,
dala’y mga taon ng hikahos
Kibit ng mga balikat, hutok sa bigat ng pagsunod
Kibot ng mga labi, pinatahimik ng mga utos
Kurap ng mga mata, mulat sa gulo ng paligid
Indayog ng baywang, pigil na lisya ayon sa aral
Indak ng mga paa, pagal sa pagpaparoo’t parito
Sumayaw ang diwa

Kumpas ng mga kamay, tawag ng akit
Kibit ng mga balikat, waksi ang ligalig
Kibot ng mga labi, anyaya ng mga halik
Kurap ng mga mata, makulay na tingin
Indayog ng baywang, alpas ng nais
Indak ng mga paa, papunta sa lakbayin
Sa walang hanggang sayaw ng diwa.

Malabo

Malabo

katas ng isipan ay hindi kayang salain
timbangin man ay hindi husto
sukatin man ay hindi sapat
walang linaw na mga salita
walang kasiguruhang tama
ang ako ay hindi ako
ano ang pagkukuruan?
ano ang paniniwalaan?
pakinggan hindi ang mga salita
suriin hindi ang isipan
damhin ang katotohanan
sa bulong ng nararamdaman,
ang may dala ng nagiisang katotohanan
ang puso ng pagmamahal...

Friday, June 18, 2010

'netbook'


ang mga bawa't salitang kulang kulang
na naguunahang umalpas sa dilang manhid
pilit na ipinaanod sa mainit na kape

ang mga daliring nanlalamig
gustong humaplos sa buhay na balat
bagkus ay itinitipa sa mga nakaalsang letra

ang mga labing tuyo
naghahanap ng init na di nakapapaso
binabasa ng sariling dila

tubig na walang landas
dahong walang hamog
nagkakasya sa isang dangkal na parisukat

Wednesday, May 12, 2010

Ina


Siya ang tumanggap ng tungkuling magbigay buhay
kalakip ng pagbingit ng sariling kaligtasan

Siya ang hindi natutulog sa mga gabing may karamdaman
Siya ang nagpaparaya ng mga subo ng pagkain
Siya ang may ari ng huling mga matang pumipikit sa gabi
Siya ang may ari ng mga tuhod na nakaluhod, taimtim na nagdarasal
Siya ang humihiling, umaako ng mga sakit

Siya ang unang gumigising, nagluluto ng sustansiyang kakainin
Siya ang umuunat sa mga takip ng kahubdan
Siya ang nagiisang hindi nawawalan ng pag-asa
Siya ang kakampi sa tama man o mali
Siya ang naghahayo sa iyo sa pakikipaglaban sa mga panganib ng mundo
At Siya ang sumasalubong sa iyong pagbabalik...